100 barangays sa Maguindanao del Sur, lubog pa rin sa baha


MANILA, Philippines — Isinailalim na sa state of calamity ang lalawigan ng Maguindanao del Sur dahilan sa matin­ding epekto ng flashfloods  habang nasa 100 barangay pa rin ang lubog sa sanhi ng mga malalakas na pag-ulan na dala ng pinagsamang Intertropical Convergence Zone (ITCZ) at Low Pressure Area (LPA).

Sa report ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) hanggang pasado alas-5 ng hapon nitong Mayo 21 at nitong Huwebes ng umaga, sa kabuuang 121 apektadong Barangay ay nasa 111 pa rin mula sa 12 bayan ang nanatiling hindi pa humuhupa ang dinaranas na pagbaha.

Base sa data ng Bangsamoro Rapid Emergency Action on Disaster Incidence (Bangsamoro-READI) sa Bangsa­moro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), nasa 138 Barangays ang naapektuhan ng pagbaha dulot ng malalakas na pagbuhos ng ulan simula pa noong Mayo 14.

Nasa 270,000 katao ang naapektuhan ng mga pagbaha mula sa mga bayan ng Ampatuan, Datu Abdullah Sangki, Datu Anggal Midtimbang, Datu Piang, Datu Salibo, Datu Saudi Ampatuan, Datu Hoffer Ampatuan, Mamasapano, Guindulungan, Shariff Aguak, Shariff Saydona Mustapha, Sultan sa Barongis at Talayan; pawang sa nasabing lalawigan.

Samantalang iniulat din na apektado rin ng pagbaha ang bayan ng Datu Odin Sinsuat, Ma­guindanao del Norte kung saan nasa 7,000 katao ang pansamantalang kinakanlong sa mga eva­cuation centers.

Ang mga binahang lugar ay nasa palibot lamang ng 200,000 hektar­yang Ligawasan Marsh na nagsisilbing catch basin sa mga pagulan na mula sa Bukidnon at Sultan Kudarat.

Pinalakas na rin ang emergency response ­operations sa Ma­guindanao del Norte at Maguindanao del Sur kung saan ay patuloy ang pamamahagi ng relief goods sa mga pamilyang grabeng naapektuhan ng pagbaha.