12 divers ng Philippine Navy sisisid sa Taal lake


MANILA, Philippines — Naghihintay na lang ng formal request ang Philippine Navy sa Department of Justice (DOJ) para simulan ang paghahanap sa mga labi ng missing sabungeros na umano’y itinapon sa Taal Lake.

Ayon kay Phl Navy spokesman Captain John Percie Alcos, ­magdedeploy sila ng 3 teams o 12 technical divers mula sa kanilang Navy SEALS na gagamit ng mga underwater drone sa pagsisid.

Ang Naval Special Operations Command (NAVSOCOM) na kilala bilang Philippine Navy SEALS ay sinanay at eksperto sa Sea, Air and Land (SEAL) operations na ang pokus ay reconnaissance, close combat, demolition, intelligence at underwater operations. 

“There are numerous ways on how to recover or how to look for targets underwater itself, we could send underwater drones to check on the safety, how the water is, ano ma-encounter sa ilalim, the moment we find what we have to recover, object or cadaver,” pahayag naman ni Rear Admiral Roy Vincent Trinidad, PN spokesman sa West Philippine Sea.  

Sinabi ni Trinidad na tatlong teams ang maaring ipa-dispatch at magsagawa ng diving operations para maiahon ang mga buto o kalansay ng mga sabungeros kung talagang sa Taal Lake itinapon ang mga ito tulad ng pagbubulgar ni alyas “Totoy”.

Aminado naman ang mga opisyal na ang underwater drone ay gagamitin upang mabatid kung talagang may marerekober pang mga buto, kalansay at anumang labi ng mga ­missing sabungero.