Pokwang kay Fyang Smith: ‘Be humble, iha’


MANILA, Philippines — Umani ng atensyon online ang komedyanteng si Pokwang at «Pinoy Big Brother: Gen 11» winner na si Sofia «Fyang» Smith matapos patutsadahan ng una ang umano’y kakulangan ng kababaang-loob ng huli.

Nag-viral ang video ng pananalita ni Fyang sa isang fan event kung saan tinawag niyang «pinakamagaling» ang kanilang batch sa kasaysayan ng PBB.

“Alam niyo, kahit ilang batch pa ‘yan, walang makakatalo sa batch namin,” ani Fyang sa video na in-upload ng “Circle of Stars” sa Facebook.

Ang naturang video ay lumabas bago ang finale ng sumunod na PBB season — ang Celebrity Collab Edition — kung saan itinanghal na panalo sina Brent Manalo at Mika Salamanca.

Sa comment section, sumabat si Pokwang, na gamit ang kanyang tunay na pangalan na Marietta Subong, at pinaalalahanan si Fyang.

“My God iha, 21 years na ako sa showbiz at ang sekreto BE HUMBLE, iha. ‘Yan muna ang pag-aralan,” ani Pokwang. “Naka-ilang PBB season na ang nasaksihan ko pero iilan na lang silang active sa showbiz. So iha please ‘wag muna mag-yabang, bad ‘yan.”

Depensa ng fans ni Fyang, ang video ay kuha pa noong Abril at tinanggal umano ang bahagi kung saan sinabi ni Fyang na biro lamang ang kanyang pahayag.

Ngunit may ilang netizen na hindi natuwa at umano’y binastos pa si Pokwang at maging ang anak niyang si Malia, na kinondena ng komedyante.

“‘Yung mga fans ni Fyang sobrang pagmamahal na pati si Malia, anak ko, wish pa ng ‘di maganda! Na-screenshot ko na para kasuhan,” post ni Pokwang sa X (dating Twitter).

Dagdag pa ni Pokwang, may mga troll accounts ding nakikisawsaw sa isyu at hindi naman totoong fans ni Fyang.

“Ok lang ‘yan! ‘Yung ibang bashers hindi naman fan ni Fyang ‘yon, mga bayarang trolls sila at kilala ko ang admin niyan, wag ako dai! Hahahahahaha,” ani Pokwang sa hiwalay na X post.