15 patay sa landslide sa Sarangani, Lanao del Sur


MANILA, Philippines —  Nasa 15 katao ang patay habang anim na iba pa ang nawawala sa magkasunod na landslide sa mga lalawigan ng Sarangani at Lanao del Sur.

Sa ulat ng Malapatan Municipal Information Office, alas-3 ng madaling araw nitong Biyernes nang maganap ang landslide sa Sitio Pandao, Brgy. Poblacion Malapatan, Sarangani at natabunan ng lupa ang mga kabahayan kung saan naninirahan ang dalawang pamilya.

Sa search operations ng mga rescuers, 10 katao kabilang ang mga batang mag-aaral ang patay nang magkakasunod na nahukay at nahugot mula sa natabunang mga bahay sa Malapatan, Sarangani.

Nasa halos 100 namang pamilya ang nailikas kahapon na pansamantalang nakasilong sa evacuation centers sa Malapatan dahil sa pagbaha sa nasabing lugar dulot ng walang puknat na mga pag-ulan.

Samantala, limang residente ang nalibing nang buhay matapos na matabunan ng lupa at mga bato mula sa burol ang kanilang mga tahanan dahil sa dalawang araw na matinding pag-ulan sa Brgy. Ngingir, Calanogas, Lanao del Sur bago magmadaling araw nitong Biyernes.

Ayon sa Calanogas MDRRMC at kay Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region Spokesman P/Capt. Steffie Salanguit, ang landslide sa Calanogas ay bunsod ng matinding pag-ulan dulot ng super typhoon Inday.

Sa ulat ng Calanogas Municipal Police at ni Lanao del Sur’s provincial police director, Col. Caesar Cabuhat, na­rekober ang bangkay ng lima na sina Norhana Ali, Akmad Camar, Naifa Mansawi, Juhary Muhshin, at Norhaya Camar, ilang oras matapos mag­responde ng mga awtoridad at rescuers sa lugar.  Anim pang residenteng Maranao na sina Mujahid Abdulmajid, Mobairah Abdulrashid, Norhasan Abdulrashid, Arab Lilikan, Norlin Ali, at Norhanima Ali ang nawawala makaraang matabunan ng lupa ang kanilang mga bahay. Dalawa rin ang naitalang sugatan sa insidente.

Samantala, mahigit 30,000 katao ang naapektuhan sa pagbaha sa Maguindanao del Sur at Maguindanao del Norte nang umapaw ang mga ilog doon dulot ng malalakas na pag-ulan.

Sinabi nina Army Major Gen. Jose Vladimir Cagara, commander Army’s 6th Infantry Division, at Police Brig. Gen. Christopher Abecia, director ng PRO-BAR, na nagpadala na sila ng mga emergency responders sa mga apektadong lugar upang tumulong sa disaster response operations ng LGUs sa mga binahang lugar sa dalawang nabanggit na probinsya.