16 pulis na nagsilbi ng warrant vs MWP sa Laguna, pinarangalan


CAMP VICENTE LIM, Laguna, Philippines — Pinapurihan ng National Police Commission (Napolcom)-Calabarzon ang 16 pulis dahil kritkal na pagsisilbi ng mga warrant of arrest laban sa mga kilalang “most wanted person” na nauwi sa shootout noong Marso 22 sa Calamba City, Laguna.

Si Lt. Col. Victor Sobrepeña, Chief of Police ng Calamba Component City police station at 15 sa kanyang mga pulis ay nakatanggap ng komendasyon mula kay Napolcom regional director Atty. Owen De Luna at Napolcom-Laguna provincial officer Atty. Joicel Sopeña, na ginanap sa S.P. Function Hall sa Calamba City. 

Sinabi ni De Luna na ang hepe ng pulisya ay may mahusay na pagganap para sa kanyang malakas na pamumuno at epektibong pamamahala sa mataas na kaguluhan at sitwasyong nagbabanta sa buhay para sa pagpapatupad ng warrant of arrest laban kay Mark Lee Almendral.

Si Almendral, isang hinihinalang gun-for-hire, na nasa listahan din ng most wanted sa rehiyon ng Calabarzon, ay napatay sa isang engkuwentro sa mga pulis at sa pag-aresto sa kanyang partner na si Rowena Manila para sa direktang pag-atake at pagharang sa hustisya. 

Nangyari ang insidente sa pagtatangkang magsilbi ng warrant of arrest sa bahay ng suspek sa Barangay Palingon laban kay Almendral, na nauwi sa shootout matapos umano itong maghagis ng granada at magpaputok. 

Ang suspek ay mayroong apat na warrant of arrest para sa mga kasong murder at attempted murder.