2 estudyante nagpasahan ng tooter na may droga sa iskul, tiklo


DARAGA, Albay, Philippines — Dalawang magka­klaseng estudyante ang inaresto ng mga awtoridad matapos na maaktuhan habang hawak ang isang improvised tooter na may lamang pinaghihinalaang droga sa loob mismo ng Daraga National High School sa Brgy. Sagpon ng bayang­ ito kamakalawa ng hapon.

Nakakulong na sa Daraga Municipal Police Station ang suspek na si alyas “Ed,” 19-anyos; habang nasa kostudya ng Municipal Social Welfare Development Office ang kaeskuwela na si alyas “Jobar,” 17-anyos, kapwa residente ng bayan.

Ang dalawang estudyante ay kakasuhan ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002

Sa ulat, dakong alas-3 ng hapon habang nag­roronda sa loob ng paaralan ang school guard nang maaktuhan nito na may ipinasang glass tooter ang isa sa suspek sa kanyang kaklase sa labas ng panlalaking comfort room.

Nang kumpiskahin ay nakitang may laman ito na hinihinalang pinatuyong dahon ng marijuana na tumitimbang ng 5-gramo at nagkakahalaga ng 600-piso.

Agad ipinagbigay alam sa managament ng paaralan na humingi ng responde sa mga pulis dahilan para arestuhin ang dalawa.