August 13, 2025 | 12:00am
CAMP VICENTE LIM, Laguna, Philippines — Dalawang sundalo ng Philippine Army ang nasawi habang apat pa ang sugatan nang kanilang makaengkuwentro ang nasa 15 komunistang gerilya sa Oriental Mindoro, kahapon ng umaga.
Kinilala lamang sa pangalang alyas “Lt, Alberto” ang dead-on-the-spot sa clash site;”isang platoon team leader at Private Oracion, kapwa miyembro ng 76th Infantry Battalion ng Phil. Army.
Nagtamo ng tama ng bala sa ulo si Alberto at namatay si Oracion dahil sa tama ng bala sa dibdib.
Kinilala naman ang mga sugatan na sina Private first Class Justen John Legaspi, Corporal Charlie Legasi, Willian James Macaraeg, at Ronilo Macatual.
Si Legaspi ay nagtamo ng mga tama ng bala sa kaliwa at kanang tuhod, habang si Legasi sa kanyang leeg at sina Macaraeg at Macatual ay tinamaan sa mga binti at tuhod at sa kanang bukung-bukong, ayon sa pagkakasunod. Lahat ng sugatang sundalo ay dinala sa military hospital sa Quezon province.
Ayon sa ulat ng militar, naganap ang sagupaan sa Sitio Bituin, Barangay Lantuyang 2, Baco, Oriental Mindoro, kahapon bandang alas-7:13 ng umaga.
Ang tropa ng 76th IB na pinamumunuan ni Lt. Alberto ay nagsagawa ng pursuit operation sa ilalim ng target intelligence packet na kilala bilang “Iron-Eye 2” nang makasagupa nila ang 15 na hinihinalang kasapi ng New People’s Army na
kabilang sa kilusang KLG-ICM sa ilalim ng isang alyas “Ka Antonio” “Baculo/Floro” at “Pilo”.
