20 porsyentong discount ng seniors sa kuryente, tubig aprub!


MANILA, Philippines — Itinaas na sa 20% ang diskwento ng mga senior citizens sa tubig, kuryente at iba pang serbisyo.

Ito ay matapos aprubahan ng Kamara sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang nag papalawig sa sakop ng mga pribilehiyo at benepisyong ibinibigay sa mga senior citizen.

Sa botong 177 at walang tumutol ay lumusot ang House Bill 11400 na nag-aamyenda sa Expanded Senior Citizens Act o Republic Act 7432.

Sa ilalim ng panukala, itinataas sa 15% ang kasalukuyang 5% diskwento na ibinibigay sa mga senior citizen na kumokonsumo ng hindi hihigit sa 200 kilowatt hours at 50 cubic meters, subalit ang billing statements ay dapat nakapangalan sa senior.

Isasama rin sa 20% senior discount ang pagbili maging online o off­line, direct o indirect o dumaan sa third party platform ng gamot, food supplement at vitamins, health professional fees, golf at country club services, transport network services at toll fees sa skyways at expressways.

Nilinaw din sa panukala na dapat ay exemp­ted ang mga senior citizen sa Unified Vehicular Volume Reduction Program o number coding subalit dapat sila ay nakasakay sa pribadong sasakyan.

Kabilang din sa exemp­tion ang pagbibigay ng libreng parking fee sa lahat ng senior citizens sa kanilang sasakyan na paparada sa commercial o government establishment na naniningil ng parking fees.