Korina, pinagdarasal si Kris! | Pilipino Star Ngayon


“I always pray for her,” sambit ni Korina Sanchez na ngayon ay tinuturing na Multimedia Platform Kween dahil sa mara­ming shows niya sa iba’t ibang platform sa isang thanksgiving lunch kasama ang ilang entertainment press noong Biyernes sa kanilang Bahay na Puti sa kalagitnaan ng Cubao.

May communication daw sila ni Kris na ang alam nga niya ay sa isang resort na nakatira.

“She’s kinda reclusive. Oh, nasa beach siya ngayon? Maganda ’yon, fresh air. Although I saw her son in one of the wakes, pinatatanong ko nga if I can interview her,” komento niya.

Dagdag ni Ate Koring: “Siyempre, she has to live her life the way she wants, ‘di ba? So, ganu’n.”

Gusto raw niya itong ma-interview, pero as of yesterday wala pa raw siyang feedback from her team kung handa itong magpa-interview sa kanyang programa – puwedeng sa Rated Korina o Korina Interviews.

Anyway, isa nga si Ate Koring sa iilang broadcast journalists na nakasabay sa pagbabago ng  media landscape – na hindi na lang sa TV nanonood ang audience, nasa iba-ibang platform na rin sila.

“Kaya tama ang sinabi ng this great thinker that I was watching on CNN, na tanong sa kanya ng anchor, ‘what is the one single best thing you can teach your children’?

“So akala ko, peace on earth mga pang-Miss Universe, ‘di ba? But no, sabi niya, ‘most important thing you can teach your child is adapting the change, because change is the only constant, and this kind of change, is kinda 360.

“Parang talagang tumaob ang industriya. At kung hindi ka marunong mag-adapt sa change, diyan ka na talaga maiwan.

“So as soon as that happened, mabuti na lang ano ako… nagawa ko agad.”

At gusto niya aniyang subukan ang lahat ng bagong media landscape.

“I wanted to test all the genre in the new landscape of media.

“Paramihan ngayon ng platform with smaller niche of audience, ’di ba?” sabi pa niya.

Na sinimulan niya kaagad.

“Immediately! Hindi pa nga nasasabi sa akin ng ABS-CBN na pakakawalan na nila ako, nakaisip na ako ng next step ko. Mabuti na lang na ganun ang training ko.

“Survival mode ako parati. Eh kasi, I was an executive producer for ABS-CBN for so long. You know, fighting that ratings war for 25 years. Because I was also EP (exe­cutive producer), hindi lang ako talent.

“So because of that training, parang battle ready parati,” pag-alala pa niya.

Nag-umpisa ‘yun sa Rated K na inilagay niya kaagad sa social media kasabay noon ang pagsabak sa pagiging producer/line producer.

Na sa kasalukuyan ay na-master na niya.

Katunayan, dahil anim ang shows, anim na sets din ng staff ang katrabaho niya. Ilan sa mga ito, kabilang sa Gen Z.

“Sermon talaga!” sagot niya kung paano siya nakikipag-deal sa bagong henerasyon.

Sa pananamit na nga lang daw, istrikta na siya.

Like may isang staff siya na laging naka-mini skirt at top na kita ang pusod na ganun din ang suot nang minsang pumunta sila sa bahay ng isang statesman.

“Naku, memo! Hahaha! Sabi ko ‘memo-han mo ’yan,’ ’di naka-focus ’yung matanda dahil nakatingin sa ’yo! May ganu’n sila, eh. Magtitinginan na lang kami nu’ng medyo kasing tanda kong staff.

’Pagsabihan mo ‘yan,’ hindi pwedeng sa akin manggaling, baka mag-resign ’pag ako ang nagsalita. Hahaha!”

Nang pagsabihan ng senior staff, sinagot daw ito ng bagets ng “love language niya (Korina) ’yon.”

“Love language ko raw ‘yon, ‘yung manermon! Ayaw nilang humiwalay sa akin! Hindi rin ako nagtatanggal ng tao. Ngayon na lang nauso ‘yang love language,” nangingiti pang sambit ng batikang host.

Pagdating sa pagpapasweldo, proud na sinabi ni Korina na mala-ABS-CBN nu’ng heydays nito ang rates ng produksyon niya ngayon.

“Ang daming tao. Anim ang shows ko kaya nu’ng nag-party ako, sabi ko, ‘ay, ganito pala ang feeling ni Deo Endrinal (yumaong head ng Dreamscape Entertainment). Iba-ibang staff for each show, nakakaloka, nakakasira ng ulo! Hahaha! Kaya, time management. Kasi ’pag producer ka, kahit magagaling ang mga tao mo, ang dami nilang tanong. Ang dami nilang tanong, ‘anong uulamin?’ ‘saan itatago ‘yung silya?’ ‘may gasgas ‘yung mesa, pababarnisan ba natin?’

Patuloy niya, “Hindi naman ako nagpapa­yaman, pinamimigay ko rin ang kinikita ko, hahaha!”