23 biktima ng prostitusyon nasagip, 2 tiklo


MANILA, Philippines — Nasagip ng mga awtoridad ang 23 kababaihan na pawang nire-recruit mula sa ibang lalawigan para sa sexual exploitation at prostitusyon at naaresto ang bar manager at cashier ng isang videoke bar sa Paracale, Camarines Norte, noong Hulyo 28.

Sa ulat ng National Bureau of Investigation – Camarines Norte District Office (NBI-CAMNODO) dalawang babaeng suspek ang inaresto sa entrapment operation sa Black Pink Videoke Bar na matatagpuan sa Bagumbayan, Paracale, Camarines Norte.

Ikinasa ang entrapment operation kung saan huling-huli sa akto ang dalawang suspek na hawak ang marked money. Nadiskubre na ang mga biktima ay pawang mga batang kababaihan na karamihan ay nanggaling pa sa ibang lalawigan tulad ng Quezon, Nueva Vizcaya, Laguna, Davao, at Cebu.

Pormal nang isinailalim sa inquest proceedings ang dalawang suspek sa Provincial Prosecution Office para sa paglabag sa Section 4(a) ng Republic Act No. 9208 (Anti-Trafficking in Persons Act of 2003) at kasalukuyang nasa kustodiya ng Paracale Municipal Police Station, habang ang 23 nasagip na kababaihan ay ligtas at maayos na naproseso ng mga social workers.