3-4 contractors tagilid sa campaign donations


Mer Layson — Pilipino Star Ngayon

August 23, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Nasa tatlo hanggang apat na contractor ang iniimbestigahan ngayon ng Commission on Elections (Comelec) bunsod ng umano’y pagkakaloob ng campaign contribution sa ilang national candidates noong 2022 elections, na isang election offense.

Kinumpirma ni Comelec Chairman George Erwin Garcia na inatasan na ng poll body ang kanilang Political Finance and Affairs Department (PFAD) upang magsagawa ng motu proprio investigation sa Statements of Contributions and Expenditures (SOCEs) ng mga kandidato.

Layunin nitong matukoy kung anu-anong kumpanya na may kontrata sa gobyerno ang nagbigay ng kontribusyon sa kandidatura ng mga kandidato.

Sa kasalukuyan aniya ay nasa tatlo hanggang apat na ang maaaring contractors na nasa public works ang natukoy nilang nagbigay ng tulong sa mga kandidato sa pagka-senador.

“Initially may nakita na 3-4 na maaaring contractors ng public works o serbisyo sa pamahalaan na nagbigay tulong sa mga tumatakbo sa national position — yes, for senator yan pero subject pa for verification kung talagang sila ay may kontrata sa pamahalaan,” ani Garcia.

Ipinaliwanag naman ni Garcia na ang pagbibigay ng mga contractor ng pamahalaan ng kontribusyon sa mga kandidato ay paglabag sa Section 95 (c) ng Omnibus Election Code (OEC), na may katumbas na parusang hanggang anim na taong pagkabilanggo.

Paglilinaw pa niya, “Ibig sabihin, ang pinagbabawal dun at pupuwedeng maparusahan ay mismong nagbigay na contractor na nangongontrata sa pamahalaan. Kung yung mismong binigyan na tumatakbo ay liable, hindi pa namin yan nadi-discuss at wala pa kami sa puntong yan.”