3 katao patay sa pamamaril sa Cotabato


COTABATO CITY, Philippines — Patay ang isang mag-asawang negosyante at isang babae sa magkahiwalay na pamamaril sa dalawang lugar dito sa lungsod sa loob lang ng siyam na oras.

Unang napatay nitong hapon ng Miyerkules ang mag-asawang Bongabong Sangkad at Almira Mendoza-Sangkad sa isang bahagi ng Jose Lim, Sr. Street sa Cotabato City.

Pasakay na ng kanilang sasakyan na nakaparada sa gilid ng kalye ang mag-asawa, mga dealer ng mga gulay at ibat-ibang mga farm products, ng lapitan ng isang lalaki at agad na pinagbabaril na nagsanhi ng kanilang agarang kamatayan.

Tinangay ng dalawang salarin ang mga bag ng mga biktima na may laman na cash collections at mga cellphones bago sila tumakas gamit ang isang motorsiklo.

Pinatay naman kahapon ng madaling araw ng isang lalaking may bitbit na pistol si Nahdine Tanghal sa loob ng tahanan ng kanyang live-in partner sa Barangay Rosary Heights 10 sa Cotabato City. Mabilis na nakatakas ang pumatay kay Tanghal, ayon sa mga barangay officials.