3 Nigerian timbog sa P11 milyong ecstasy, shabu


CAVITE, Philippines — Arestado ang tatlong Nigerian national na kinabibilangan ng isang pastor at dalawang estud­yante sa magkasunod na buy-bust operasyon na inilatag ng pulisya ­sanhi ng pagkakasamsam ng may mahigit P11 milyong halaga ng ecstasy at shabu sa Bacoor City, kamakalawa ng gabi.

Pawang nahaharap sa mga kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga suspek na sina alyas “Stanley”, 34 anyos, Evangelist Pastor; alyas “Ikechukwu”, 30, estudyante; residente ng Progressive 3 Village, Molino 1, Bacoor City.

Sa ulat ng pulisya, unang operasyon ay ikinasa dakong alas-8:40 ng gabi ng mga grupo ng PDEA Regional Office 4A RSET 1 sa pa­ngunguna ng team leader na si Marcial Calubaquib, 4A RSET 2, PDEA-Cavite Provincial Office at PNP Maritime Police ng isang buy-bust na naganap sa isang gas station sa ­Molino III Bacoor City, Cavite na ikinaaresto nina alyas Ikechukwu at ­Stanley na magkasama sa iisang bahay.

Kasunod nito, alas-11:30 ng gabi nang ikasa ang buy-bust operation laban sa kasamahan ng dalawang nadakip sa Brgy. Molino 2, Bacoor City at naaresto si alyas “Keneth”, 23, ng Molino 2, Bacoor City, Cavite at nasa high value target list ng pulisya.

Aabot sa kabuuang P9,370,333 na iba’t ibang uri ng ecstasy at P1,905,000 na halaga ng shabu ang nakum­piska sa nasabing magkasunod na operasyon sa Bacoor City.