MANILA, Philippines — Isang three-way tie para sa mga nangungunang kandidato sa 2025 midterm Senatorial elections ang lumabas sa pinakabagong pre-poll survey ng Pulso ng Pilipino (PnP) na isinagawa ng The Issues and Advocacy Center (The CENTER).
Ang non-commissioned PnP survey na ginawa mula Pebrero 17-22, 2025 ay nagpapakita rin ng dominanteng pattern dahil siyam sa kandidato ng administrasyon ang pasok sa winning circle, may dalawang oposisyon at isang independent na bumubuo sa Magic 12.
Nangunguna si dating Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto na may 56.5%. Tumabla kay Sotto si reelectionist Sen. Bong Go (55.3%) at ACT-CIS party list Rep. Erwin Tulfo (54%).
Gaya ng dati, nananatiling nakaukit sa isipan ng mga botante ang tatak ng serbisyo-publiko ni Sen. Bong Go, lalo na ang kanyang Malasakit Program na tumutulong sa mahihirap na Pilipino sa kanilang mga pangangailangang medikal at ospital.
Nagsalo naman sa 4-6 posisyon sina Sen. Lito Lapid (48.1%), dating Sen. Panfilo ‘Ping’ Lacson (46%) at reelectionist Sen. Bong Revilla (45.7%).
Nasa 7th-8th spot sina Sen. Pia Cayetano (41%) at TV personality Ben Tulfo (39.8%); 9th-10th sina Makati Mayor Abby Binay (35.5%) at boxing icon Manny Pacquiao (35%).
Pumasok sa Magic 12 si Sen. Francis ‘TOL’ Tolentino sa ika-11 puwesto na may 33.4%.
Si ‘TOL’ Tolentino ang lumikha at nag-organisa ng sikat na ngayon na ROTC Games kung saan pinagsasama-sama ang lahat ng college students na naka-enroll sa ROTC curriculum sa isang inter-ROTC Games. Hindi lamang sports competition ang isinusulong ng ROTC Games kundi pati na rin ang character building.
Nasa 12th spot si Sen. Ronald ‘Bato’ Dela Rosa na may 32%.
