CAMP VICENTE LIM, Laguna, Philippines — Dalawa katao ang sugatan kabilang ang isang matandang babae habang nasa 300 commercial stalls ang naabo sa dalawang oras na sunog sa loob ng public market sa Santa. Cruz, Laguna kahapon ng madaling araw.
Ang sunog ay nagdulot ng malawak na pinsala partikular na ang mga nakaimbak na kasuotan, damit, tela, tsinelas na seksyon at maliliit na bodega.
Dakong alas-5:45 ng umaga nang sumiklab ang sunog at idineklara itong fire out dakong alas-9:41 ng umaga.
Umabot sa ikaapat na alarma ang sunog, ayon kay Senior Inspector Cesar Morfe, hepe ng BFP-Santa Cruz.
Sinabi ni Morfe na hindi pa batid ang sanhi ng sunog dahil patuloy ang isinasagawang overhauling operation ng mga bombero sa lugar. Nagtamo ng bahagyang paso ang isa sa dalawang sugatan at isinugod sila sa Laguna Medical Center.
“Hindi lahat ng pampublikong palengke ay nasunog dahil agad naming pinoprotektahan ang ilang bahagi ng palengke. Humigit-kumulang 17 mga trak ng bumbero mula sa iba’t ibang lungsod at munisipalidad ang dumating upang tulungan kami”, sabi ni Morfe.
“Karamihan sa mga apektadong bahagi ay ang mga seksyon ng mga damit at kasuotan dahil ang ilan sa mga may-ari ay naiulat na nag-iimbak ng kanilang mga gamit at produkto partikular na ang uniporme ng paaralan sa kanilang bodega para sa darating na pasukan”, sabi ng mga awtoridad.
Hindi bababa sa 20 pulis ang agad na ipinadala upang pamahalaan at kontrolin ang sitwasyon ng trapiko at maiwasan ang insidente ng looting, ayon kay Lt. Col. Mark Julius Rebanal, hepe ng Santa Cruz police.
Agad na sumugod sa fire site si Governor-elect Sol Aragones kasama ang mayor-elect ng Santa Cruz na si Benjo Agarao para magbigay ng tulong at nagsagawang assessment sa mga maliliit negosyante ng biktima na naapektuhan ng sunog.
