Bodega sa Pampanga ni-raid ng CIDG
MANILA, Philippines — Naaresto ng mga operatiba ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang apat na Chinese national matapos masangkot sa smuggling ng P1.7 milyong puting sibuyas sa isinagawang pagsalakay sa isang bodega sa Brgy. Laug, Mexico, Pampanga, ayon sa opisyal nitong Miyerkules.
Sa report na tinanggap ni P/Major Gen. Nicolas Torre III, director ng PNP-CIDG, kinilala ang mga nasakoteng Chinese sa mga alyas na “Shengren”, “Jialong”, “Wei” at “Dewen”.
Ayon sa PNP-CIDG, nakumpiska sa mga suspect ang dalawang trailer trucks na may 40-footer shipping containers noong nakalipas na Sabado sa isang bodega sa Brgy. Laug sa bayan ng Mexico.
Sinabi ng mga operatiba na ‘misdeclaration’ ang ginawa ng mga suspect matapos na ideklarang ang kanilang produkto ay ‘chicken karaage strips ‘ o Japanese fried chicken’ pero ng inspeksiyunin ang mga produkto ay nadiskubreng mga puti itong sibuyas na illegal na ipinasok sa bansa.
Hindi na nakapalag ang mga suspect matapos arestuhin ng mga operatiba sa pagkakasangkot ng mga ito sa illegal na aktibidades.
Nahaharap ngayon ang mga suspect sa paglabag sa Republic Act 12022 o ang Anti-Agricultural Sabotage Act na may kaugnayan sa RA 10845 o ang Anti-Agricultural Smuggling Act.
