4 miyembro ng pamilya, todas sa sunog


MALOLOS CITY, Bulacan, Philippines — Patay ang isang mag-asawa at dalawa nilang anak matapos na matusta sila ng apoy nang masunog ang kanilang bahay,kamakalawa ng madaling araw sa Brgy. Bulihan ng nasabing siyudad.

Kinilala ang mag-asawang nasawi  na sina Philip, 49; Maricel, 48; at dalawa nilang anak na sina Felice,18; at Julienne,10 na may apel­yidong Calauag habang nasugatan ang anak nilang si ‘Seth’,15,kapwa mga residente ng Alido Heights, Brgy. Bulihan ng nasabing lungsod.

Sa report ng Malolos police station, naganap ang insidente bandang alas-3:41 ng madaling araw nitong  Mayo 21 sa nabanggit na lugar.

Sa inisyal na report, mahimbing na natutulog ang mag-anak nang biglang sumiklab ang apoy at hindi nakalabas sa kanilang bahay.

Ayon sa report, bandang alas-4:18 ng madaling araw nang maapula ng mga rumes­pondeng tauhan ng Malolos Fire station ang sunog at tumambad ang bangkay ng apat na  biktima.Habang ang isa nilang anak na 15-anyos ang nasugatan.

Patuloy na inaalam ng mga otoridad ang dahilan ng sunog.