MANILA, Philippines — Nasa 66% umano ng mga Pinoy ang pabor na tugunin ni Vice President Sara Duterte ang kinakaharap na impeachment complaint.
Batay sa survey ng Social Weather Station (SWS) na kinomisyon ng Stratbase Group, lumilitaw na 19% lamang ng mga Pinoy ang hindi sang-ayon dito habang 15% ang undecided.
Ang Metro Manila umano ang may pinakamataas na porsiyento ng respondents na naniniwalang dapat sagutin ni VP Sara ang impeachment case, na nasa 76%.
Sinundan naman ito ng Balance Luzon na nasa 69%, Visayas na nasa 67%, at Mindanao na nasa 55%.
Sa socio-economic classes naman, ang Classes ABC ang nakapagtala ng pinakamataas na porsiyento ng mga sumang-ayon na nasa 73%.
Sinundan naman ito ng Class D na may 66% at Class E na may 62%.
Ayon sa mga sumagot sa survey, mas magkakaroon ng pagkakataon si Duterte sa paglilitis na masagot ang mga alegasyon ng korapsyon laban sa kanya.
Ayon kay Stratbase Group President Prof. Dindo Manhit, ipinapakita ng mga resulta ng survey na mas aktibo at mapanuri na ngayon ang publiko.
“This level of awareness reflects a more engaged and vigilant public. Filipinos are watching closely and expect the country’s democratic institutions, particularly the Senate, to act decisively and impartially,” saad ni Manhit.
Ang survey ay isinagawa noong Hunyo 25-29 at nilahukan ng 1,200 respondents.
