Pacquiao tuloy ang ensayo sa Las Vegas


LAS VEGAS, United States — Ayaw ihinto ang kanyang matinding paghahanda sa training camp, ipinagpatuloy ni Manny Pacquiao ang pag-eensayo sa unang araw niya rito sa mainit na siyudad na nasukatan ng 40 degrees celsius. 

Ibinunton ng Filipino legend, naipit sa mabigat na trapiko dahil sa isang road accident mula sa Los Angeles, ang kanyang pagkainis sa pagtakbo sa oval track sa University of Nevada, Las Vegas noong umaga ilang araw bago hamunin si world welterweight champion Mario Barrios. 

Kinahapunan ay nagpapawis naman siya sa Knuckleheads Gym na pagmamay-ari ng kanyang right-hand man at MP Promotions president na si Sean Gibbons. 

Nakasama ni Pacquiao sa sesyon ang mga batang fighters sa pamumuno ni Olympic bronze medalist Eumir Marcial na lalaban sa undercard ng kanilang suntukan ni Barrios sa MGM Grand Garden Arena. 

Sa Linggo (Manila time) ay tatangkain ng 46-anyos na si Pacquiao na maging ikalawang pinakamatandang boxer na nanalo ng isang korona matapos si Bernard Hopkins na nakamit ang light heavyweight title sa edad na 49-anyos noong 2013. 

At malaki ang tsansa ni Pacquiao na magawa ito. 

“It’s crazy to look at. I look at videos from 2022 and at the videos now. Same speed and power. We’re in good shape [for] July 19,” sabi ni Gibbons. 

Ngunit nakaharang sa misyon ni Pacquiao ang 30-anyos na si Barrios, ang reigning World Boxing Council welterweight champion na gagamitin ang kanyang mas batang edad at six-feet-tall frame para maging paborito sa laban. 

Magkikita sina Pacquiao at Barrios sa final press conference ngayon (Manila time) kasunod ang isang public workout. Noong nakaraang linggo nagtapos ang mabigat na preparasyon ni Pacquiao na nag-iingat na masunog ang katawan sa pagsasanay. 

“Careful lang ako sa body recovery,” sabi ni Pacquiao mula sa kanyang suite sa MGM. (Dino Maragay)