December 3, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Sariwa pa ang Gilas Pilipinas sa matamis na pagwalis sa Guam sa home and away game nito sa first window ng FIBA World Cup Asian Qualifiers.
Nakuha ng Pinoy cagers ang 2-0 rekord para saluhan ang Australia (2-0) sa tuktok ng standings sa Group A.
Pinataob ng Gilas ang Guam sa kanilang unang pagtatagpo, 87-46, noong Biyernes sa Guam kasunod ang pagtarak ng 95-72 panalo sa kanilang ikalawang laro noong Lunes sa Blue Eagle Gym.
Subalit hindi pa tapos ang laban.
Ayon kay Pilipinas coach Tim Cone na mas matinding laban ang haharapin ng kanyang bataan sa susunod na pagsalang nito.
Lalarga ang second window ng qualifiers sa Pebrero kung saan makakasagupa nito ang powewrhouse teams na Australia at New Zealand.
Una na ang New Zealand sa Pebrero 26 kasunod ang Australia sa Marso 1 na parehong lalaruin sa Pilipinas.
Haharap ang Gilas sa New Zealand na walang pang panalo.
Kaya’t inaasahang gigil ang Tall Blacks na ibuhos ang lahat ng lakas nito laban sa Gilas para makuha ang pambuenamanong panalo.
Mapapalaban din ang Gilas sa Australia na armado ng matatangkad na players at nagtataglay ng solidong kumpiyansa dahil sa dalawang sunod na panalo nito kontra sa New Zealand.
Magiging malaking tulong para sa Gilas ang home crowd na siyang magpapalakas ng loob sa Pinoy cagers.
“We hope playing at home, that will make a difference for us,” ani Cone.