January 1, 2026 | 12:00am
Happy New Year mga kosa!
-oooooo-
Nakapiling din ng walong tiwaling EPD cops ang kanilang pamilya nitong New Year matapos silang makapagpiyansa sa kasong isinampa laban sa kanila. Sinabi ni Inspector General Brigido Dulay, ng Internal Affairs Service na itong nai-file na kaso sa Pasig City prosecutor’s office ay malakas na ebidensiya laban sa walong EPD cops sa pagsampa ng administrative case laban sa kanila. Dahil tinanggap ng piskal ang kaso, ang ibig sabihin ay may nakita siyang dahilan para isulong ito. Get’s n’yo mga kosa?
Maliban sa kaso sa piskalya, dumulog din ang pamilya ng biktima sa IAS, kaya’t magsasampa rin sila ng less grave misconduct, hanggang grave misconduct at conduct unbecoming of a police officer na ang posibleng penalty ay dismissal from the police service, ani Dulay. Araguyyy! Bakit kaya ang palaging nasasangkot sa ganitong kaso ay ang mga taga-Drug Enforcement Units (DEU) ng PNP? Dapat sigurong arukin ito ni PNP chief Gen. Jose Melencio “Tateng” Nartatez Jr at magawan kaagad ng fine-tuning sa mga makitang lapses dito. Ano sa tingin n’yo mga kosa?
Ang mga kinasuhan ni EPD director Brig. Gen. Aden Lagradante ay sina Capt. Rodolfo Cumayas Jr., 44; MSgt. Randy Sanoy, 42; SSgt. Romar Rosario, 36; SSgt. Alvin Duco, 40; Cpl. John Dennis Bautista, 34; Cpl. Jovanie Balcanao, 35; Cpl. Ricky Iglesias, 34, at Pat. Gladys Albidas, 34, lahat ng EPD DEU, at ang sibilyan na si Juanito Ulpindo, 50.
Hindi dapat magsaya kaagad ang walong EPD cops dahil sa pagkapiyansa nila dahil sinisiguro ni Dulay na, ayon sa kautusan ni Nartatez, sasampahan sila ng kasong administratibo sa Enero 5.
“Ang matibay na ebidensya kasi dito ay ‘yung kasong naisampa sa piskalya kasi na-file sa prosecutor’s office at nagkaroon ng information at sila ay pinagpiyansa. So malinaw na doon pa lang sa level ng krimen ay meron na nakita ang ating mga prosecutor,” ani Dulay.
Nilinaw ni Dulay na sa kasong administratibo, magaan lang ang kinakailangang ebidensiya kaya pasok sa banga ang walong tiwaling EPD cops. Dipugaaa! Hehehe! Ambot sa kanding nga may bangs!
Sinabi ni Dulay na maraming sablay siyang nakita sa kaso, simula sa kakulangan ng koordinasyon doon sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA). Aniya, may kakulangan din sa papeles sapagkat wala man lang ang operation ng kahit anong warrant upang gamitin sa pagpasok sa pamamahay ng isang pribadong indibidwal.
“Bukod dito ay kulang rin at kapos ang mga papeles na dapat nagagawa ito kung ito ay isang lehitimong police operation. So marami kaming nakikita at nadidiskubre na talagang medyo paltos ang sinasabing operation ng grupong ito,” ang giit pa ni Dulay. Sanamagan!
Hindi masabi ni Dulay kung ano ang motibo ng tiwaling EPD cops sa ikinasa nilang operation subalit maliwanag na “pitsa-pitsa” lang ito dahil halos P500,000 na halaga ng kagamitan ang kanilang nakulimbat. Mismooooo! Ang sakit sa bangs nito!
Ang panawagan ni Dulay sa mga pulis ay mahigpit na sundin ang mga patakaran ng PNP operational procedures para mailayo sila sa kapahamakan.
“Bago sila mag-operate maraming kailangan gawin diyan, maraming dapat i-file, maraming documentation para patunayan na ito ay isang lehitimong operation,” ani Dulay. Mismooo!
Abangan!