February 21, 2026 | 12:00am
NAGULANTANG ang madlang pipol nang magdeklara na tatakbong Presidente si Vice President Sara Duterte sa 2028 election. Bago ang pagdeklara ni Sara, lumabas ang napakataas na rating nito sa survey sa kabila nang laging pag-alis nito ng bansapatungong The Netherlands para bisitahin ang amang si dating President Rodrigo Duterte na nakakulong sa International Criminal Court sa The Hague. Nakakulong si Digong dahil sa crime against humanity.
Iba’t ibang kuro-kuro ang naglabasan tungkol sa deklarasyon nito sa pagtakbo bilang Presidente sa 2028 eleksyon. Bakit daw masyadong inagahan ni Sara ang pagdeklara ng pagtakbo kasabay ng apat na impeachment case na isinampa sa kanya ng iba’t ibang grupo.
Nasagap ko, kaya raw nagdeklara ang maaga si Sara ay upang makumbinsi aqng mga kongresista na pumanig sa kanyang partido. Natural lamang na kung makakahatak ng ilang kongresista si Sara siguradong malulusaw na ang mga isinampang Impeachment laban sa kanya.
Subalit sa panig naman ni President Ferdinand Marcos Jr., mukhang “no pansin” lang ito dahil wala namang dapat na ipagmamadali para salubungin ang paghahamon ni Sara. Ang masakit lang may mga pumuna kay Sen. Imee Marcos sa pagiging kapit tuko nito kay Sara. Mukhang hindi mabiling kandidato si Imee na maging Vice President ni Sara.
Matagal pa naman ang 2028 para lumutang ang mga kandidato na babangga kay Sara, mas pinag-uukulan kasi ang impeachment trial ni Sara dahil sa totoo lang kung masalimuot ang naging imbestigasyon ng mga mambabatas sa flood control scandal mas inaantabayanan naman ang nilustay na milyun-milyong pondo ni Sara nang pamunuan ang Department of Education (DepEd) at Office of the Vice President.
Ang pagiging tikom ng mga opisyales ni Sara ang naglagay sa kanya sa balag ng alanganin at kabilang din ito sa mga isinampa sa kanya para ma-impeach. Sabagay ganyan ang pulitika sa bansa, kung sino ang inaapi siya pa ang nagwawagi. Subalit ngayon na maagang nagpahiwatig si Sara, sana mag-isip-isip ang mamamayan nang tamang iluluklok sa puwesto para hindi magsisi sa huli.
Habang kinukunsinti ang mga pulitikong mandarambong, hindi malayong uulit-ulitin lamang nila ito. Tuldukan na ang kaduhapangan ng mga pulitiko. Piliin ang tapat na maglilingkod upang makaahon sa pagkakautang ang Pilipinas!