Lalaki sa Russia, nagpanggap na may bomba para makulong dahil wala siyang mahanap na trabaho!


MGA KWENTONG WEIRD — Ronniel Niko B. Halos — Pilipino Star Ngayon

February 21, 2026 | 12:00am

SA halip na magpatuloy sa paghahanap ng trabaho, pinili ng isang lalaki sa Russia na gumawa ng krimen at magpakulong upang makasiguro na mayroon siyang libreng tirahan at pagkain araw-araw.

Ayon sa ulat, ang lalaking kinilala lamang bilang “Oleg”, na nasa edad 20 pataas at dating sumailalim sa military service, ay nakaranas nang matinding desperasyon matapos ang sunud-sunod na pagkabigo sa pag-aaplay ng trabaho sa lungsod ng Ufa. Dahil walang pera at matutuluyan, binuo niya ang isang planong magpaaresto sa mga pulis.

Una siyang nagtungo sa isang hotel kung saan siya nagkulong sa isang kuwarto at nagbantang pasasabugin ang kanyang backpack, ngunit hindi siya pinaniwalaan ng mga staff.

Hindi sumuko si Oleg at dumiretso sa isang airport terminal. Dito, nag-hysterical siya at sumigaw na may dala siyang bomba. Nang mapansin ng mga security personnel na walang wires o detonators sa kanyang bag, agad siyang dinamba at itinurn-over sa pulisya.

Walang natagpuang anumang pampasabog, at kaswal na inamin ni Oleg na sadyang gawa-gawa niya lang ang banta para makulong. Matapos patunayan ng isang psychiatric evaluation na siya ay nasa tamang pag-iisip, hinatulan siya ng korte ng tatlong taon at dalawang buwang pagkakakulong sa isang penal colony, eksakto sa kanyang plano na magkaroon nang matutuluyan at garantisadong makakain nang dalawang beses sa isang araw.