Torre, suportado ni BBM! | Pilipino Star Ngayon


DIPUGA — Non Alquitran — Pilipino Star Ngayon

August 19, 2025 | 12:00am

IKINATUWA ni PNP chief Gen. Nicolas Torre III na sa gitna ng pagsubok ay pumila sa likod n’ya ang 230,000 na kapulisan.

“Mga kasama, nitong mga nakaraang araw dumaan tayo sa isang pagsubok at sa halip na tayo ay mabuwag, lalo tayong tumibay ang ating pagkakaisa,” ang nasambit ni Torre sa nakatipong PNP officials sa regular na flag raising cere­mony sa Camp Crame.

“Naramdaman ko ang inyong malasakit, ang inyong tiwala at ang inyong paninindigan kaya’t ngayong umaga ipinapaabot ko sa inyo ang aking lubos na pasasalamat,” ang dag­dag pa ni Torre.

Hindi naman tinukoy ni Torre kung ano ang pagsubok na dumating sa PNP, subalit tinitiyak ng mga kosa ko na ito ay ang pakikialam ni Interior Sec. Jonvic Remulla sa pag­balasa n’ya sa manok ng huli na si Lt. Gen. Jose Melencio “Tateng” Nartatez. Eh di wow!

Bago s’ya magsalita sa harap ng directorial staff, com­manders ng NSUs, mga RDs, iba pang opisyal, rank-and-file, mga NUPs, at parading elements, kinilala muna ni Torre si Lt. Gen. Bernie Banac, ang pumalit kay Nartatez bilang No. 2 man ng PNP. Ang ibig sabihin nabigo si Boss Jonvic sa plano n’ya? Ganun na nga!

“Sa inyong lahat isang malinaw na mensahe ang ipinakita ninyo at ipinakita natin. Ang PNP ay nagkakaisa. Walang utos, walang balakid at walang pagsubok na ma­kakagiba sa ating pagkakaisa at sa ating panata sa bayan,” ani Torre.

“Habang nagpupugay tayo ngayon sa ating bandila, tandaan natin ang ating serbisyo ay hindi para sa sarili kundi para sa sambayanang Pilipino,” ang giit pa ni Torre. “Ang ating panata ay malinaw, mabilis, tapat at maaasahang serbisyo para sa bayan,” ayon pa sa PNP chief. Dipugaaa! Hehehe! Kailangan pa bang i-memorize ‘yan?

Sa kasunod na press briefing, inurirat ng mga miyembro ng PNP Press Corps kung ano ang pagsubok na tinutukoy niya sa flag raising ceremony.

“Well hindi naman natin dini-deny na may mga conflicts na nangyayari. Pero these are all administrative in nature. Na tiwala ako ay mare-resolve within the organization,” ani Torre, na hindi naman sigurado kung ang reshuffle ni Nartatez ay matutuloy.

“Tingnan na lang natin in the next few days. Kung wala it stays kung meron eh it did not stay,” ang paliwanag ni Torre. Naniniwala si Torre na ang iringan nila ni Boss Jonvic ay mareresolba sa loob ng organization. Mismooooo! ‘Ika nga makukuha ito sa diyalogo.

Iginiit pa ni Torre na iisa lang naman ang layunin at pag-iisip ng PNP at Napolcom at iisa ang direksiyon. “So it is all for the good of the Filipino people. So ganun lang,” aniya. Anong sey n’yo mga kosa? Hehehe! Kanya-kanyang gimik lang ‘yan!

Ipinaliwanag ni Torre na mula nang lumabas ang Napolcom order, hindi siya nagsalita ukol sa isyu dahil malakas ang paniwala niyang internal matters lang ito “that’s better left to the internal systems.” “And yung pagpapalabas dito sa media is something that is not really a priority sapagkat wala rin naman. Maraming ganitong nangyayari since hindi pa ako chief PNP, marami mga ganitong nangyayari kasi siyempre iisa ang mission pero may kanya kanyang preference,” ani Torre.

“So because of that may mga internal matters na dapat pag usapan na marami na rin pinag usapan noon pa. nagkataon lang na ito ay lumabas sa media,” aniya. Sanamagan!

Hayan, suportado talaga ni President Bongbong Marcos si Torre! Abangan!