November 12, 2025 | 12:00am
ISANG 85-taong gulang na lalaki sa France ang naging sentro ng pambihirang balita matapos siyang maligaw nang husto habang nagmamaneho papunta sa kanyang doktor.
Ang dapat sana’y maikling biyahe ay nauwi sa isang 1,500 kilometrong road trip papuntang Croatia.
Nagsimula ang insidente nang umalis ang matanda mula sa kanyang tahanan sa Châtillon-sur-Thouet para sa isang check-up sa kalapit na bayan ng Airvault, na 19 kilometers lang ang layo.
Nang hindi siya sumipot sa kanyang appointment at maging sa isang meeting ng asosasyon kung saan siya miyembro, nagsimula nang mag-alala ang kanyang pamilya.
Agad silang nag-report sa pulisya.
Humingi ng tulong ang mga pulis sa militar upang ma-geolocate ang lokasyon ng mobile phone ng matanda.
Nagulat ang lahat nang matukoy na ang telepono ay nasa isang hotel sa Croatia, isang bansa na hindi man lang karatig-bansa o katabi ng France
Lumalabas na ang matanda ay nag-drive sa loob ng 20 hours, dumaan pa sa Italy, bago makarating sa Croatia.
Nang tanungin, sinabi ng matanda na “hindi niya maintindihan ang nangyari” at iginiit na ang kanyang mahabang biyahe ay resulta ng “problema sa global positioning system (GPS)”.
Ayon sa mga ulat, ang matanda ay walang anumang kilalang history ng cognitive impairment o mga isyu sa disorientation. Agad namang naglakbay ang kanyang pamilya papuntang Croatia upang sunduin siya pabalik.