MANILA, Philippines — Umaabot sa 91 piraso ng buto ang narekober mula sa ilalim ng Taal Lake ang hawak na ng PNP Forensic Group kung saan anim dito ay hinihinalang buto ng tao.
Ayon kay Lt. Col. Edmar dela Torre, Officer-in-Charge ng DNA Laboratory Division ng PNP Forensic Group, aabutin ng lima hanggang pitong araw upang makabuo ng DNA profile mula sa mga buto habang karagdagang lima hanggang pitong araw pa ang kakailanganin para sa cross-matching sa DNA ng mga kaanak ng mga nawawalang sabungero.
Sinabi ni dela Torre na 18 kamag-anak na ng mga nawawalang sabungero ang nakuhanan ng DNA sample para sa posibleng cross-matching.
Nakatakda itong isagawa kapag may nabuong DNA profile mula sa mga nakuhang mga buto.
Ipinasilip naman sa media ng PNP Forensic Group ang DNA Laboratory kung saan ipo-proseso ang mga nakuhang buto sa Taal Lake.
Samantala, nag-deploy na ang Philippine Coast Guard (PCG) ng remotely operated vehicle (ROV) upang gamitin sa paghahanap ng missing sabungeros sa Taal Lake, Batangas.
Ayon kay PCG spokesperson Captain Noemie Guirao-Cayabyab, sinimulan na nila ang paggamit ng ROV para sa search and retrieval operations.
Ang ROV ay may ilaw at camera kaya’t inaasahang mas mapapalawak nito ang isinasagawang monitoring sa sahig ng lawa.
May kakayahan din umano ito na mag-angat ng mga bagay ng hanggang 10 kilo at maaaring tumagal sa ilalim ng tubig ng hanggang apat na oras.
Matatandaang sinasaliksik ng mga divers ng PCG ang ilalim ng Taal Lake upang hanapin ang mga missing sabungeros na sinasabing itinapon doon.
Tiniyak naman ng PCG na metikuloso ang ginagawa nilang search and retrieval operations sa Taal Lake upang matagpuan ang mga nawawalang sabungero.
