Guerrilla Front, ubos na! — NTF-ELCAC, Army


MANILA, Philippines — Kinumpirma ng mga opisyal ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) at ng Philippine Army nitong Lunes ang matapang na pahayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kanyang 2025 State of the Nation Address (SONA) na wala nang natitirang grupong ­gerilya sa bansa.

Ginawa ang kumpirmasyong ito sa isang FAQcheck press conference na inorganisa ng NTF-ELCAC Media Bureau, kung saan ibinahagi ng mga opisyal na lahat ng 89 guerrilla front ng New People’s Army (NPA) ay opisyal nang nabuwag na makasaysayang tagumpay matapos ang mahigit limang dekadang laban ng bansa laban sa armadong kilusang komunista.

Ayon kay Army spokesperson Col. Louie Dema-Ala, ang mga guerrilla front ay dating organi­sadong politiko-militar na yunit ng NPA na may kakayahang magsagawa ng opensibang militar, makapagmobilisa ng masa, at makapagtatag ng mga shadow government sa mga liblib na barangay. Ngunit sa pagtatapos ng taong 2024, tuluyan nang nabuwag ang hu­ling yunit—ang Komite Larangang Guerrilla 1 sa Rehiyon ng Bicol.

Kabilang sa naging­ daan ng pagkaubos ng­­ guerrilla front ay neutra­lisasyon o pagsuko ng armadong puwersa ng NPA; pagguho ng kanilang politiko-militar na estruktura; pagkawala ng suporta mula sa masa; kawalan ng access sa kanilang mga dating pinagtataguan at pagbabalik ng mga serbisyo ng pamahalaan sa mga apektadong lugar.