MANILA, Philippines — Kinumpirma ni Vice President Sara Duterte na tinatrabaho na ng kanilang kampo ang interim release o pansamantalang paglaya ng kanyang amang si dating Pang. Rodrigo Duterte.
Sa media interview kay VP Sara sa The Hague, Netherlands, nitong Martes, kasama ang kanyang kapatid na si Davao City Mayor Sebastian Duterte, kinumpirma ng bise presidente na nakita nila ang ama sa ginawang pagbisita dito sa detention facility ng International Criminal Court (ICC).
Sa kanilang naging pag-uusap, in-update umano niya ito hinggil sa kanilang pamilya, sa kanyang kaso, at sa katatapos na May 12 midterm polls.
Bukod sa mga una nang petisyon na naihain nila, na kumukwestiyon sa hurisdiksiyon ng ICC, inaasikaso na rin aniya nila ang pagkuha ng ‘interim release’ para sa kanyang ama.
“Ngayon ay mayroon provision sa Rome Statute, ‘yong interim release na tinatrabaho rin,” anang bise presidente.
“And then one of the discussions as well was… to go through the Dutch laws,” aniya, na alinsunod sa mungkahi ni dating Presidential spokesperson Atty. Harry Roque.
