Infrastructure projects paiimbestigahan din ni Pangulong Marcos


MANILA, Philippines — Desidido si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na papanagutin ang lahat ng mga kontraktor sa bansa hindi lamang ang mga sangkot sa mga flood control projects kundi lahat ng infrastructure project sa buong bansa.

Ayon sa isang mapagkakatiwalaang source, inutos na ni Marcos ang pagsasagawa ng imbestigasyon sa lahat ng infrastructure projects partikular na sa Luzon mula Region 1 hanggang 5.

Magugunitang sa ika-apat na State of the Nation Address (SONA) ng Pangulo, kanyang ibinunyag na palpak at guni-guni lamang ang ilang mga flood control project sa bansa dahil sa patuloy na pagbaha sa tuwing magkakaroon ng pag-ulan.

Partikular na tinukoy ni Marcos ang San Juanico Bridge na umano’y napabayaan na kung saan ang naturang proyekto na nagdudugtong sa dalawang probinsiya ay tinayo pa sa panahon ng kanyang ama.

Magugunitang bago pa man ang SONA ng Pangulo ay ilang mga tulay din ang gumuho at mga nasirang water brake wall na siyang sumasangga sa mga tubig.

Nais ding wakasan ni Marcos ang palakasan at connection system sa Department of Public Works and Highways (DPWH) lalo na yung kontratista na malalapit at may personal na relasyon sa mga opisyal nito.