Xi Jinping nahihibang na: Gigiyerahin ang U.S.


KUMAKALAT sa China at mundo ang resolusyong akda ni Communist Party chairman Xi Jinping. Lahad ng “Win the Initiative in Historic Upheaval Through Decisive Struggle” ang limang punto para sa giyerang politikal, kabuhayan, diplomatiko, militar, at ideyolohiya kontra U.S.. Labis-labis ang planong higanti ni Xi kay U.S. President Donald Trump, na nag­pataw ng 145 percent na taripa sa mga angkat mula China.

Kinikilabutan ang opisyales ng CCP at estado sa limang balakin:

(1) Utos ni Xi sa CCP na tugisin ang mga depositong lampas $200,000 sa ibang bansa ng mga Chinese. Apektado rito ang matataas na commissar at state-owned company executives. Bukod sa sikretong deposito abroad, nag-aaral o nagtatrabaho ang mga anak nila sa mayayamang bansa. Itatratong traydor ang susuway sa utos.

Pinaghahanda ni Xi ang opisyales na i-cash ang trilyun-trilyong dolyares U.S. treasury bonds na hawak ng gobyerno at state firms. Para raw ito manlupaypay ang ekonomiya ng America.

(2) Bumuo raw ng united front ng mga bansang nasaktan sa taas-taripa ni Trump. Kasama rito ang mga kaalyado ng America sa North Atlantic Treaty Organization: Britain, France, Germany, Italy, Canada. Isama rin ang Japan, South Korea, Australia. At ku’ng kailangan ay pati India at Vietnam.

(3) Ihanda ang mamamayang Chinese sa mahabang giyera. Kasama dito ang pagtitipid o higpit-sinturon.

(4) Tatagan ang alyansa ng CCP sa Russia, Iran, North Korea. Tutain ang Laos, Cambodia, Thailand.

(5) Giyerahin ang Taiwan, at ku’ng kailangan i-nuclear bomb ang mga base militar ng America sa Pilipinas, Okinawa, Guam, South Korea.

Susunod ba ang mga CCP cadre kay Xi? Alam nilang ayaw lang niya bumaba sa puwesto at managot sa mundo dahil sa Covid-19.