May banta ba sa integridad ng DPWH?


SA isang bansa kung saan ang imprastruktura ay hindi lamang simbolo ng pag-unlad kundi pati ng kapalpakan, ang liderato sa Department of Public Works and Highways (DPWH) ay kailangang busilak sa intensiyon, malinaw sa direksiyon, at malayo sa mga interes na hindi kaakibat ng serbisyo publiko. Tama! Sabi ng mga asset ng mga kuwago ng ORA MISMO, may bulung-bulungan sa mga marites na maaaring bumaba sa puwesto si Secretary Manuel Bonoan. Sa kabila ng ilang puna sa kabagalan ng implementasyon ng ilang proyektong pang-imprastruktura, maraming nagsasabing si Bonoan ay isa sa mga maingat na lingkod-bayan sa administrasyon. Su­balit ngayon, tila may mga interes na gustong pumalit sakaling magbitiw o alisin siya sa puwesto.

Isa sa mga pangalan na umano’y lumulutang ay isang alyas “A.T” na may puwesto rin daw sa gobyerno ngayon­. Ba­gaman walang pormal na kumpirmasyon, may mga ku­wentong kumakalat sa loob at labas ng mga ahensya ng gob­yerno mga kuwentong sinasabing hindi lamang “haka-haka” kundi may batayan daw sa aktuwal na paggalaw sa loob ng kapangyarihan? Hindi ko nilalait ang kakayahan ni alyas kamote este “A.T” pala, isang kontratista. Subalit ang tanong: Sa kagawarang kasing kumplikado ng DPWH na may pana­nagutan hindi lang sa kalsada kundi sa mga tulay, flood control, sapat ba ang karanasan sa planong pang-inhinyeriya at konstruksiyon?

Hindi biro ang tungkuling inaako ng DPWH Secretary. Kailangang balansihin ang pondo, integridad, at ang milyun-milyong mamamayang umaasa sa ligtas na kalsada at epek­tibong pamumuhunan sa imprastruktura. Kung papalitan si Bonoan, kailangang tiyakin ng Palasyo na ang susunod na mamumuno ay hindi lamang may teknikal na kakayahan kundi may track record sa integridad, disiplina, at pagpapahalaga sa interes ng publiko kaysa pansariling ambisyon. Ang pa­nganib dito ay hindi lamang isyu ng “political appointment” kundi ang posibilidad na maging lunsaran muli ang DPWH ng interes ng mga negosyanteng nais makakuha ng kontrata, ng mga pulitikong nais makabawi sa kampanya, o ng mga indibidwal na hinahanap ang “next big post” sa gobyerno. Hindi ito panahon para gawing training ground ang isang critical na departamento.

Panahon na upang ipanawagan sa Malacañang, kung may balak man na pagbabago sa liderato ng DPWH, gawin ito nang may transparency. Iwasan ang mga “power game” sa Gabinete. Ang bansa ay hindi laruan ng mga nagpapaligsahan sa puwesto, lalo’t sa gitna ng krisis sa baha, trapiko, at kulang na imprastruktura. Tanong ng bayan: Sino ba ang pinaglilingkuran ng mga nagsusulong ng ganitong galawan? Ang mamamayan, o ang sarili nilang pangarap na maupo sa posisyon? Sa huli, ang DPWH ay dapat pamunuan ng mga tunay na arkitekto ng bayan hindi ng mga strategist ng impluwensiya. Disklaymer: Ang artikulong ito ay opinyon ng may-akda at hindi nangangahulugang may kumpirmadong impormasyon ukol sa mga inaasintang opisyal. Layunin nitong pukawin ang pampublikong pag-iisip ukol sa transparency at integridad sa mga itinalagang posisyon sa gobyerno.