Pangulong Marcos: Pondo ng SSS hindi masasaid


MANILA, Philippines — Siniguro ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi mauubos ang pondo ng Social Security System (SSS) sa kabila ng pagdadagdag ng pensyon sa mga pensioner at hindi nagdagdag sa kontribusyon ng mga miyembro.

Sinabi ni Marcos na walang dapat ipangamba ang mga SSS member na baka masaid ang pondo ng ahensiya dahil lumalago ang populasyon ng mga miyembro.

Paliwanag pa ng Pangulo, na lumalaki aniya ang populasyon ng mga manggagawa sa Pilipinas, at mababawi rito ang idinagdag sa pensiyon ng mga nagretiro na kaya hindi dahilan para mag-alala ang mga miyembro.

Bilang patunay aniya, base sa pagtaya ay mabilis na lumalago ang pondo ng SSS at posibleng maungusan nito ng mas malaki ang Government Service Insurance System (GSIS) sa mga darating na araw.

Sa resolusyon na inilabas ng SSS, madadagdagan ng taunang 10 percent ang retirement at disability pension epektibo ngayong Setyembre, na tatagal hanggang 2027, habang ang mga survivor  ay madagdagan ng 5% kada taon ang kanilang pensiyon.