AFP, PNP nakakuha ng mataas na trust, performance ratings


MANILA, Philippines — Iniulat ng OCTA Research na napanatili ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) ang malakas na kumpiyansa sa kanila ng publiko matapos na makakuha ng mataas na trust at performance ratings, sa pinakahuling survey na isinagawa noong nakaraang buwan.

Ayon sa OCTA, ang AFP ay nakakuha ng 81% trust at 82% performance ratings, na kapwa malaking pagtaas mula sa 65% noong April 2025 survey.

Samantala, ang PNP naman ay nakakuha ng 71% trust at 73% performance, na malaking pagtalon din mula sa 62% noong Abril 2025.

Kapwa mababa naman ang natanggap na distrust at dissatisfaction ratings ng dalawang ahensiya, na nasa 2% distrust at 3% dissatisfaction sa AFP at 6% distrust at 7% dissatisfaction sa PNP.

Ang survey ay isinagawa ng OCTA mula Hulyo 12-17 at nilahukan ng 1,200 indibidwal sa buong bansa, na isinailalim sa face-to-face interviews.