August 11, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Pumalo na sa 2.1 milyon ang bilang ng mga botanteng nagparehistro para sa 2025 Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).
Hanggang nitong Agosto 9, umabot sa kabuuang 2,136,230 ang aplikasyong natanggap nila para sa voter registration.
Pinakamaraming nagpatala sa Region 4A (Calabarzon) na nasa 265,957; Region 3 (Central Luzon) 220,650; National Capital Region (NCR) 156,456; Region 5 (Bicol Region) 169,378 at Region 7 (Central Visayas), 144,141.
Pinakamababa ang nagparehistro sa Cordillera Autonomous Region (CAR), 39,484.
Inaasahan namang madaragdagan pa ang registrants dahil hindi pa kasama rito ang mga nagparehistro sa huling araw ng voter registration kahapon, Agosto 10.
Nagpaabot naman si Comelec Chairman George Erwin Garcia ng pasasalamat sa lahat ng botanteng nagparehistro upang makaboto sa nalalapit na halalan.
Ang 10-araw na voter registration para sa BSKE ay sinimulan noong Agosto 1 at nagtapos kahapon, Agosto 10.
Inaasahan namang muling magdaraos ng voter registration ang Comelec sa ikatlong linggo ng Oktubre 2025 hanggang sa Hulyo 2026 sa sandaling tuluyan nang maipagpaliban sa Nobyembre 2026 ang 2025 BSKE na nakatakda sanang idaos sa Disyembre 1.