August 12, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Pinuna ni ACT Teachers Partylist Rep. Antonio Tinio ang madalas na pagbiyahe sa ibang bansa ni Vice President Sara Duterte na nakaapekto umano sa kanyang performance.
Binigyang diin ni Tinio na bilang isang halal na Bise Presidente ay hindi dapat kaligtaan ni VP Sara ang tungkulin nito sa bayan bilang ikalawang pinakamataas na lider ng bansa.
“Kapag ordinaryong kawani lalo na kapag titser na absent sa school ay may bawas sa sahod o sinisita ng kanilang mga superiors habang ang Bise Presidente naman ay walang tigil sa paglamyerda,” saad ni Tinio.
Simula Marso ay pabalik-balik na si VP Sara sa The Hague, Netherlands upang bisitahin ang kaniyang amang si dating Pangulong Rodrigo Duterte na nililitis ng International Criminal Court (ICC).
Puna pa ng solon na sa halip ipaliwanag ang paggamit sa P612.5 milyong confidential funds ay umiwas dito si VP Sara na panay ang biyahe abroad kabilang ang pagdalo sa mga events ng kaniyang mga supporters.
