VP Sara hinamon sa Kamara: Maglabasan tayo ng travel records!


Joy Cantos — Pilipino Star Ngayon

August 13, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Hinamon ni Antipolo City Rep. at Deputy Speaker Ronaldo Puno si Vice President Sara Duterte na maglabasan ng travel records kaugnay ng madalas na pagbiyahe ng huli sa ibang bansa.

“Agree ako, lahat tayo, maglabasan tayo ng travel, may dalawang klase yan, official travel at personal travel,” sabi ni Puno.

Tugon ito ni Puno sa pahayag ni VP Duterte na bago magturo ang ilang Kongresista ay ilabas din ng Kamara ang rekord ng pagbiyahe ng mga miyembro nito.

Simula umano ng maaresto ng International Criminal Court (ICC) ang ama nitong si dating ­Pangulong Rodrigo Duterte ay dumalas ang pagbiyahe ni VP Sara sa ibang bansa.

Bukod dito, habang iniimbestigahan ng House Blue Ribbon ang P612.5 milyong confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) at ng DepEd sa panahon ng panunungkulan ni VP Sara, sa halip anyang magpaliwanag ay bumiyahe sa ibang bansa na tila umiiwas sa mga katanungan at magpaliwanag sa isyu.

Inihayag ni Puno na ang personal travel ay hindi binabayaran ng gobyerno pero ang official travel aniya ay bayad ito.

Aniya, kung may bumibiyahe mang mga Kongresista sa ibang bansa ay ilabas ito at dapat umanong ipaliwanag din kung ang personal travel na ganun kalaki ay ginawa sa sariling oras o sa oras na bayad sa gobyerno.

Idinagdag pa ni Puno na dapat dokumentado ang mga pagbiyahe sa ibang bansa lalo na sa mga halal na opisyal ng gobyerno.