Obrero dinedo ng kainumang retiradong Navy


Cristina Timbang — Pilipino Star Ngayon

August 14, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Isang construction worker ang nasawi nang ito ay barilin sa ulo ng isang retiradong PhilippineNavy habang nag-iinuman, kamakalawa ng hapon sa Brgy. Lapidario,Trece Martirez City, Cavite.

Ang biktima ay kinilalang si Marlon Velasco, 47-anyos, residente ng nasabing lugar.

Agad namang naaresto ang suspek na si alyas “Ric”, 59, kapitbahay ng biktima.

Sa ulat ng pulisya, bago naganap ang krimen, alas-2:40 ng hapon ay nag-iinuman ang biktima at suspek nang magkaroon ng pagtatalo sa kanilang pinag-uusapan.

Dito ay napikon umano ang suspek at kinuha ang baril at malapitang binaril sa ulo ang biktima.

Narinig ng isang residente ang putok ng baril at nang alamin ang pinanggalingan ng putok ay nakita na may hinihilang mga bakal na itinakip sa nakahandusay na biktima upang hindi ito makita.

Agad itong itinawag sa barangay na inireport naman sa pulisya na sa pagresponde sa lugar ay naaresto ang suspek na kakasuhan ng murder.