Lalaki na tinamaan ng pana sa ulo, himalang nakaligtas!


MGA KUWENTONG WEIRD — Ronniel Niko B. Halos — Pilipino Star Ngayon

August 15, 2025 | 12:00am

Isang 64-anyos na lalaki sa Ancona, Italy ang himalang natagpuang buhay at may malay sa kan­yang higaan, dalawang araw matapos niyang matamaan ang sarili sa ulo gamit ang isang crossbow.

Ang hindi pinangalanan, na isang kilalang crossbow enthusiast, ay natagpuan ng mga pulis sa kanyang bahay matapos tumawag ang isang nag-aalalang kamag-anak. Nang puwersahang buksan ang pinto, natagpuan nila ang lalaki na may nakatusok na crossbow bolt sa kanyang noo.

Agad siyang isinugod sa ospital, kung saan sinabi ng mga doktor na may malay pa ito at nakakapagsalita pa, bagama’t hindi na maintindihan ang kanyang sina­sabi. Ayon kay Dr. Maurizio Iacoangeli, chief ng Neuro­surgery sa Torrette hospital kung saan dinala ang lalaki: “Dumaan ang pana sa kanyang bungo mula noo hang­gang batok. Isang milimetro pa at siguradong namatay agad ang pasyente. Napakasuwerte niya. Wala pa akong nakitang ganito sa Italy.”

Mabuti na lamang at gawa sa carbon ang pana at hindi sa metal, kaya nagawa ng mga doktor na magsa­gawa ng CT scan sa pasyente. Dahil dito, nasuri ng mga doktor ang eksaktong posisyon ng pana at naging matagumpay ang ope­rasyon.

Ipinaliwanag ni Dr. Iacoangeli na ang pagtanggal sa pana ay naging maselan dahil maaari itong magdulot ng matinding pagdurugo. Ginamit sa operasyon ang mga technique na natutunan niya mula sa isang neurosurgeon ng U.S. Army na may karanasan sa mga sitwasyong pandigma.

Bagama’t naging matagumpay ang operasyon, nananatiling seryoso ang kondisyon ng pasyente. Iniimbestigahan pa ng mga awtoridad kung ang insidente ay isang aksidente o isang tangkang pagpapatiwakal, bagama’t wala namang history ng mental illness ang lalaki.