Guilty sa quarry case! | Pilipino Star Ngayon


Christian Ryan Sta. Ana, Doris Franche-Borja — Pilipino Star Ngayon

August 18, 2025 | 12:00am

Gov. Umali, kinalawit ng Ombudsman

MANILA, Philippines — Hinatulang guilty ng Office of the Ombudsman sa kasong katiwalian si Nueva Ecija Governor Aurelio Umali bunsod ng iregular na pag-isyu nito ng 205 quarry permits na walang Environmental Compliance Certificate (ECC) mua sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) noong 2014 hanggang 2016.

Sa desisyon ng Ombudsman, si Umali ay napatunayang lumabag sa Section 25(2) ng Republic Act 6770, OMB Act of 1989, at Section 10(b), Rule III ng Administrative Order No. 7 ng Rules of Procedure ng graft court, kaya sinuspinde ito ng isang taon na walang suweldo.

Ang kaso ay nag-ugat sa isinampang reklamo ni Roberto M. Duldulao sa Ombudsman kung saan ibinunyag nito ang pag-‘hokus-pokus’ umano ni Umali sa 205 Commercial Sand and Gravel Permits (CSGPs) na ibinigay sa mga hindi kuwalipikadong haulers at walang ECC mula sa Mines and Geosciences Bureau ng DENR.

“There is a basis to hold Aurelio Umali administratively liable. He was remiss in his duty to ensure the enforcement and compliance with all laws, rules and regulations within his jurisdiction,” ayon sa desisyon ng Ombudsman.

Ang hatol kay Umali ay base sa rekomendasyon na isinumite ni Graft Investigation and Prosecution Officer III Leilani P. Tagulao-Marquez sa opisina ni Assistant Ombudsman Pilarita T. Lapitan at inaprubahan naman ni Ombudsman Samuel R. Martires sa pamamagitan ni Deputy Ombudsman Dante F. Vargas.

Iginiit din ng Ombudsman na sumablay din ang provincial government sa pamumuno ni Umali na mag-remit ng tamang koleksyon para sa nakukuhang buwis sa quarry.

Hindi aniya katang­gap-tanggap ang idi­neklarang quarry collection ng Kapitolyo ng Nueva Ecija noong 2014 hanggang 2016.

Lumabas din sa ulat ng COA na kulelat sa quarry collection ang Nueva Ecija na umabot lamang sa halos P400,000 ang idinekla­rang kita noong 2022 at nasa P1-M lamang ang kinita noong 2023. Mala­yung-malayo umano ito sa projection ng panini­ngil ng buwis sa quarry.