August 19, 2025 | 12:00am
LUMIPAS pa ang isang buwan at walang nag-i-inquire na working girl para umupa sa kuwarto. Naisip ni Apol, kung walang uupa sa Room No. 5, siya na lamang ang ookupa. Hindi rin masasayang ang pagpapagawa niya sa kuwarto sapagkat maari niyang tirahan.
Hindi na siya magkukumahog sa pag-uwi sa QC dahil meron siyang titirahan. ‘Yun nga lang, mababawasan ang monthly income niya. Ang target niyang P50k buwan-buwan ay magiging P40k na lang kapag wala pang umupa. Sayang din ang P10k.
Isang araw tumawag si Ate Ginger mula Canada. Nangungumusta.
“Kumusta na ang paupahan mo, Brother?”
“May isa pang bakante, Ate. Halos dalawang buwan nang bakante.”
“Huwag kang mainip! May uupa riyan.”
“Ba’t ang tagal naman? Ang balak ko, titirahan ko na lang kung walang uupa.”
“Puwede rin. Mabuting may tirahan ka diyan sa Makati.”
“Palipat-lipat ang gagawin ko.”
“Pero huwag kang mainip at may maghahanap ng matitirahan.”
“Sige, Ate. E kumusta naman kayo riyan sa Canada.”
“Ang lamig ngayon dito. Nagyeyelo. Pinapala namin ang yelo sa harap ng bahay. Pero kahit malamig, okey lang. Tiis-tiis lang. Maganda naman ang hinaharap naming mag-asawa at pati mga bata.”
“Okey sige ingat kayo Ate.”
MAKALIPAS pa ang isang buwan, hindi akalain ni Apol na may mag-i-inquire para umupa sa kuwarto.
Ang lalong nakagulat kay Apol, ang uupa ay ang babaing nakasalubong niya sa Ayala Avenue. Ang babae ay kamukha ng dalagitang naabutan niyang nagnanakaw ng bayabas.
Nananaginip ba siya?
(Itutuloy)