September 17, 2026 | 12:00am
Malinis at nakapalit na nang maayos na damit si Kristina nang pumasok siya sa malawak na hapag-kainan ng mansiyon. Suot niya ang isang puting bestida na bigay ni Aling Pacing, ang matandang kasambahay na tanging nagpakita ng kabaitan sa kanya mula nang dumating siya hacienda.
Nakaupo na ang pamilya. Sa kabisera ay si Donya Presentacion. Sa kanan nito ay si Natasha, ang fiancé ni Emilio, isang maganda at edukadang babae na itinuturing pa rin na pamilya ng mga Valderrama. Sa kabilang dako ay si Ernesto, ang nakababatang kapatid ni Emilio na kararating lang mula Maynila. Tahimik namang kumakain sa dulo ng mesa ang espiritista at kanang kamay ng Donya na si Mang Teban. Habang naglalakad papunta sa kanyang upuan si Kristina, tumayo si Ernesto para batiin siya.
“Here comes the bride!” bumeso ito at yumakap nang mahigpit kay Kristina. “Kumusta ang honeymoon n’yo ni Kuya?” panunukso ng binata, halatang mababa ang tingin sa kanya dahil sa pagpapakasal sa isang bangkay.
“Ernesto, stop that!” saway ng donya.
“I’m just joking, ma!” nakangising paliwanag nito
Hindi pa nasisimulang kainin ni Kristina ang pritong itlog sa kanyang harapan nang kumustahin siya ng donya “Kumusta ang unang gabi mo sa musuleo, Kristina?”
Napalunok si Kristina, muling naalala ang bakas ng putik sa marmol. Hindi na niya napigilan ang sarili. “Bumisita po siya sa akin kagabi,” mabilis niyang bulalas. “Umupo siya sa tabi ko…”
Isang malakas na halakhak ang pinakawalan ni Ernesto. “Ito talaga ang na-miss ko dito sa Punta Dolores, ang mga ‘kakaibang’ karakter na dito mo lang makikita.”
Ngunit walang bakas ng tawa sa mukha nina Doña Presentacion at Natasha. Nagkatinginan ang dalawa, nagpipigil ng hininga. Unti-unting nangilid ang luha sa kanilang mga mata, puno ng pananabik at tagumpay. Tila ito talaga ang kanilang inaasahang mangyari sa unang gabi ni Kristina sa musuleo.
Sa kabilang dulo, lihim na napakuyom ng kamao si Mang Teban. Bumagsak ang balikat ng matandang albularyo at namutla sa matinding pagkadismaya. Siya lang ang nakakaalam ng totoo: hindi iyon multo, at kilala niya kung sino ito.
Ngumiti si Doña Presentacion, isang ngiting nakakapangilabot. “Kung gayon,” wika ng donya habang nanginginig ang boses sa tuwa, “kailangan mong ipagpatuloy ang pagtulog sa musoleo sa loob ng apatnapung gabi.” (Itutuloy)