EDITORYAL — Palpak na flood control project


Pilipino Star Ngayon

August 19, 2025 | 12:00am

NADIDISKUBRE na ang mga palpak na flood control­ projects na ginastusan ng bilyun-bilyong piso na ang nakakopo ay 15 private contractors. Si President Ferdinand Marcos Jr. ang nakadiskubre sa palpak na flood control project sa Calumpit, Bulacan na ang contractor ay ang St. Timothy Construction Corporation na pag-aari umano ng isang pulitiko. Ininspeksiyon ni Marcos ang project sa Calumpit noong nakaraang Biyernes at nakita niya kung paano tinipid ang dike na nagsisilbing proteksiyon sa baha. May mga bitak ang dike at doon dumaraan ang tubig. Dahil manipis ang semento at ma­liit ang mga bakal na ginamit, may posibilidad na mawasak ang dike. Ang proyekto, Rehabilitation of the River Pro­tection Structure ay malayo pa sa inaasahang pipigil sa pagbaha sa nasabing bayan. Kaya magpapatuloy pa ang penitensiya at pagdurusa ng mga taga-Calumpit. Napansin din ni Marcos ang pagbabaw ng ilog dahil sa gitna nito ay may mga damong tumubo. Matataas na ang mga damo na nagpa­pahiwatig na matagal nang walang isinasagawang reha­bilitasyon ang napakong contractor.

Hindi naitago ng Presidente ang galit nang makita ang dike na dapat ay puprotekta sa baha. Palpak ang proyekto kaya patuloy ang pagdurusa ng mga residente. Mariing sinabi ni Marcos: “St. Timothy ang kontratista nito kaya titingnan natin, kailangang pasagutin natin kung bakit ganito ang ginawa nila. Mas mabuti pa, pumunta sila rito at nang makita nila kung gaano kahirap ang buhay na binigay nila sa mga kababayan natin.”

Ang pagkakadiskubre sa kapalpakan ng flood control project sa Calumpit ang naging daan para ipag-utos ng Commission on Audit (COA) ang pagsasagawa ng audit sa flood control projects sa Bulacan, bilang bahagi ng hakbang ng pambansang gobyerno na papanagutin ang mga responsable sa mga pumalpak na flood control projects sa iba’t ibang sa bansa.

Sa memorandum na inilabas ni COA Chairperson­ Gamaliel A. Cordoba, binigyang-diin nito na ang fraud audit sa flood control project sa Bulacan ay isang aga­rang pangangaila­ngan. Sakop ng audit ang mga proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Bulacan na madalas bahain, kung saan umabot sa P44 bilyon ang inilaan ng gobyerno.

Tinanggal naman sa puwesto ng DPWH ang project engineer at iba pang tauhan na sangkot sa palpak na flood control project sa Naujan, Oriental Mindoro, ma­tapos madiskubre ni Gov. Humerlito “Bonz” Dolor. Ayon kay Dolor, substandard ang pagkakagawa ng project sa Naujan.

Inaabangan pa ang pagkakadiskubre ng mga palpak na flood control projects sa buong bansa na ginastusan ng bilyong piso. Harinawang magdusa sa piitan ang mga matatakaw na nakinabang sa pondo.