Kampo ni VP Sara, sumagot sa mosyon ng Kamara sa SC


Mer Layson — Pilipino Star Ngayon

August 20, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Kinumpirma ng defense team ni Vice President Sara Duterte kahapon na nakapagsumite na sila sa Korte Suprema ng komento kaugnay sa apelang inihain ng Kamara sa kanyang impeachment complaint.

Ayon kay Atty. Michael Poa, na isa sa mga tumatayong legal counsel ng bise presidente, naisumite nila ang komento sa Mataas na Hukuman noong Lunes.

Gayunman, sinabi nito na hindi sila magbibigay sa media ng kopya ng naturang dokumento.

Hindi na rin umano sila magpapaunlak pa ng panayam sa mga mamamahayag at hindi na rin maglalabas ng anumang pahayag hinggil dito.

“In deference to the sub judice rule and out of respect for the judicial process, we will not be granting media interviews or issuing further statements at this time,” ani Poa.

Matatandaang noong Hulyo, hinarang ng Korte Suprema ang impeachment trial ng Senado laban kay VP Sara dahil labag anila ito sa isang constitutional provision laban sa multiple impeachment proceedings sa loob ng isang taon.

Kaagad namang naghain ang Kamara ng motion for reconsideration upang iapela ang desisyon.