MANILA, Philippines — Ipinababasura ng House prosecutors sa Impeachment Court ang kahilingan ni Vice President Sara Duterte na i-dismiss ang impeachment case laban sa kanya.
Sa sagot ng House prosecutors, sinabi nila na dapat magkaroon ng “full trial.”
Ayon pa sa House prosecutors, napakaraming “misleading and false material statements” sa isinumiteng sagot “Ad Cautelam” ni Duterte.
Ipinadala kahapon ng House Prosecutors sa Impeachment Court ang 37-pahinang tugon sa pleading ni Duterte.
Bagaman at walang pasok ang Senado tuwing Biyernes dahil sa pinaiiral na 4-day work week, hinintay ni Senate Secretary Renato Bantug Jr. na tumatayo ring clerk of court ang mga dokumentong isinumite ng prosekusyon.
Magugunita na sa kanyang sagot sa summons ng Impeachment court, iginiit ng kampo ni Duterte na ang impeachment complaint na itinaas sa Senado ay “dapat i-dismiss” dahil ito ay “walang bisa mula sa simula.”
Isinangkalan ng kampo ni Duterte ang pagbabawal na magsampa ng higit sa isang impeachment complaint sa loob ng isang taon.
Sinabi ni Bantug na papadalhan niya ng kopya ng sagot ng prosecution panel ang mga senador na uupong mga judges sa impeachment trial.
Noong Pebrero na-impeached si Duterte na ang Articles of Impeachment ay ipinadala sa Senado sa huling araw ng sesyon kaya hindi ito natalakay sa plenaryo bago magbakasyon ang mga mambabatas.
Sinabi ni Bantug na ang sinumang partido ay maaring maghain ng pleadings sa mga susunod na araw.
Hindi ipinakita sa media ang nilalaman ng 37-pahinang sagot ng prosecutors kay Duterte.