MANILA, Philippines — Nagpasiklab ang dating Palarong Pambansa stars at record breakers na sina Albert Jose Amaro II at Sophia Rose Garra upang pangunahan ang matagumpay na kampanya ng Pilipinas sa katatapos na 47th Southeast Asia Age Group Swimming Champions na ginanap sa Singapore Sports Hub.
Kumalawit ang 18-year-old na si Amaro ng tatlong medalya kasama ang nag-iisang gold ng Philippine swimming team habang silver at bronze ang ikinuwintas ni Garra sa three-day competition.
Kinalos ng NCAA multi-medalist mula sa San Beda College si Indonesian Jason Donovan Yusuf matapos ilista ang 25.15 segundo sa boys 16-18 50-meter butterfly para makuha ang ginto.
Humakot ng pitong gintong medalya sa nakaraang taon ng Palarong Pambansa, nabigo si Amaro na sumikwat ng back-to- back gold medal ng kapusin ito sa 100m freestyle (53.71) na pinagwagian ni eventual winner Lidie ng Malaysia (52.64).
Sa opening day sinisid ni Amaro ang bronze medal sa100-m butterfly, sa ipinasang oras na 55.72 seconds sa likuran nina Li Jie Goh ng Malaysia (55.64) at Wongsakorn Patsamaran ng Thailand (55.71).
Nabingwit ni Garra ang silver medal sa girls 13-under 200 meter backstroke sa nirehistrong 2:24.33, nakopo ni Thai swimmer Oravee Intaporn-Udom (2:20.33) ang gold habang bronze si Haw Yek Wo ng Singapore.
Bronze medal naman ang nilangoy ni Garra sa 200m individual medley relay competition. — Nilda Moreno