‘Pag binasura VPSara impeachment
MANILA, Philippines — Maaaring dumulog sa Korte Suprema ang House Prosecution Team sakaling ibasura ng Senate Impeachment Court ang impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.
Ito ang sinabi ni Atty. Antonio Bucoy, tagapagsalita ng House Prosecution Team, kasunod ng pahayag ni Senate Pres. Francis Escudero na pwedeng ibasura ng Impeachment Court ang Articles of Impeachment sa pamamagitan ng “majority vote”.
Sa kanyang pulong balitaan, sinabi ni Bucoy na nagtitiwala sila sa proseso ng impeachment, at umaasang gagampanan ng senator-judges ang kanilang sinumpaang tungkulin.
Subalit ayon kay Bucoy, wala silang magagawa kung sakaling magpasya ang Senate Impeachment Court na ilagay sa botohan ang pagbasura sa impeachment case laban sa Bise Presidente.
Kung mangyari man ito, sinabi ni Bucoy na maghahanap ang prosekusyon ng “recourse” gaya ng pagdulog sa Korte Suprema.
Sa kabila nito, umaasa pa rin aniya ang House Prosecution na hindi na aabot sa naturang sitwasyon na binanggit ni Escudero, at gagawin ng impeachment court kung ano ang tama.