Bulacan may pinakamahal na flood control projects


Ludy Bermudo — Pilipino Star Ngayon

August 23, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines —  Nanguna ang lalawigan ng Bulacan sa may pinakamataas na halaga ng flood control projects at may pinakamarami ring kontrata, batay sa sumbongsapangulo.ph website.

Sa nasabing website, ang Bulacan ay may flood control deals na nasa P43,754,961,321.73; sinundan ng Cebu na P26,614,501,059 at Isabela na may P22,770,663,528.03.

Nasa ika-apat ang Tarlac P18.5-B; Camarines Sur P17.5-B; Albay P16.1-B; Pampanga P14.5-B; Leyte P14.2-B; Pangasinan P13.6-B; Misamis Oriental P13.4B; Oriental Mindoro P11.1-B; Negros Occidental P11-B; Cavite P11-B; La Union P11-B; Davao Del Sur P10.8-B; Ilocos Norte P10-B; Agusan Del Norte P9.9-B; Nueva Ecija P9.3-B; Laguna P9-B at Occidental ­Mindoro P8.6-B.

Kamakailan ay nagalit ang Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa natuklasang “ghost” project sa Barangay Piel sa Baliuag, Bulacan.

Puna ng Pangulo, nakalagay sa report ng DPWH na “completed” ang proyekto na pinondohan ng P55-milyon pero walang nakita kahit isang bakal o sako ng semento na talagang hindi trinabaho.

Matatandaang sa State of the Nation Address ni Marcos ay binalaan niya ang mga nangungupit sa pondo ng bayan partikular ang para sa flood control projects dahil mananagot sila sa batas.

“Kamakailan lang, nag-inspeksyon ako sa naging epekto ng Habagat at bagyong ­Crising, Dante at Emong. Kitang-kita ko, maraming proyekto sa flood control mga palpak at ‘yung iba, guni-guni lang,” pahayag ng Pangulo.

Kasunod nito ay inatasan niya ang DPWH na magsumite ng listahan ng mga proyekto sa nakalipas na tatlong taon.

Sinabi ng Pangulo na ipa-publish niya ang listahan upang malaman ng mamamayan kung saan napunta ang pera ng bayan.

Binigyang-diin ng Pangulo na sa kabila ng bilyun-bilyon pisong pondong inilaan, nananatili ang malawakang pagbaha sa iba’t ibang panig ng bansa.

Nabatid na ang Bulacan ang pinakamalaking nakakuha ng flood control budget sa buong Region 3, o 45% ng pondo.