August 24, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Mahigit sa 300 katao na ang naghain ng aplikasyon sa International Criminal Court (ICC) para kilalaning biktima ng drug war ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ay bahagi ng preparasyon bago ang nakatakdang confirmation of charges hearing sa Setyembre 23 ng dating Pangulo.
Base sa ICC Registry, bagama’t maliit pa ang bilang na ito kumpara sa dami ng gustong lumahok, malinaw aniya na uhaw sa hustisya ang mga pamilya ng mga nasawi.
Nagpakalat naman ng application form sa Tagalog, Cebuano, English at French ang Victims Participation and Reparations Section (VPRS), at muling nakipag-ugnayan sa mga grupong dati nang sumuporta sa mga biktima.
Bukod dito, sinuri rin ang mga isinumiteng dokumento gaya ng barangay at voter’s ID, pati mga sinumpaang salaysay para masiguro ang pagkakakilanlan ng mga aplikante.
Dahil dito kaya nasa kamay na ngayon ng ICC kung kikilalanin ang lahat ng aplikasyon bilang opisyal na bahagi ng kaso laban kay Duterte, na nahaharap sa kasong crime against humanity at kasalukuyang nakakulong sa The Hague, Netherlands.
