August 24, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Pumalo na sa 37,368 ang kaso ng Hand, Foot and Mouth disease (HFMD) na mas mataas ng pitong beses kumpara sa 5,081 kaso sa kaparehong panahon noong 2024.
Ang nasabing bilang ay naitala ng Department of Health (DOH) hanggang Agosto 9, 2025.
Nasa 50% ng kaso ay mga batang may edad 1-3 taong gulang.
Ang HFMD ay isang nakakahawang sakit na puwedeng makuha kung humawak sa mata, ilong, o bibig gamit ang kamay na nahawakan ang bagay na kontaminado ng virus.
Kabilang sa mga sintomas nito ang lagnat, singaw sa bibig, pananakit ng lalamunan, at mga butlig sa palad at talampakan.
Payo ng DOH, sakaling magkaroon ng mga sintomas ang isang bata ay panatilihin muna ito sa bahay nang 7-10 araw o hanggang sa panahong mawala ang lagnat at matuyo na ang mga sugat.
Mahalaga rin na ihiwalay ang mga kubyertos at iba pang personal na kagamitan ng taong maysakit na HFMD at linisin ang lugar kung saan sila nanatili gamit ang disinfectant.