Ayaw matulad ang anak sa sinapit


Dear Dr. Love, — Pilipino Star Ngayon

August 26, 2025 | 12:00am

Dear Dr. Love,

Hindi naging maganda ang kapalaran ko dahil sa pakikipagrelasyon. Kaya naman sinisikap kong maipaunawa sa aking anak na hindi basta-basta ang tungkol dito. Ayoko kasing matulad siya sa akin. 

Maaga akong nabuntis kaya hindi ako nakapagtapos ng high school. ang masaklap, mag-isa kong itinaguyod ang aking anak dahil iniwan ako ng boyfriend ko. Iba’t ibang trabaho ang pinasukan ko, kabilang na ang pagiging sales lady at security guard. 

Hindi naman ako ganun kahirap pero masakit sa akin ang naging kapalaran ko. 

Tiniis ko ang lahat ng sama ng loob. At nagsawalang kibo na lamang ako sa aking mga kamag-anak. 

Dahil hindi nila matanggap ang nangyari sa akin. Lalo na ang aking ama. Halos isumpa niya ako sa mali kong nagawa. 

Parang sumpa nga yata sa akin ngayon ang nangyayari. Ako naman ang pumipigil sa anak ko na itigil ang pakikipagligawan at mag-focus muna sa pag-aaral. 

Nakikita ko kasi na lagi siyang nakikipag-usap sa klasmeyt niyang lalaki na kaibigan lang naman daw niya. 

Ayoko rin namang maging tulad ng aking ama na kung magbawal ay wagas. Pero ganun pa man ay nakakalusot ako. 

Ga-graduate pa lang ang anak ko sa senior high, kaya nag-aalala ako na baka matulad siya sa akin. 

Beth

Dear Beth,

Wala namang masama sa hangarin mong mapaalalahanan ang iyong anak, nang sa gayon ay maisip niyang mag-ingat lalo na sa pakikipag-ugnayan sa lalaki. 

Sang-ayon rin ako na masabihan mo siya na huwag magpadala sa bugso ng damdamin. 

Tukukan mo siya sa kanyang pag-aaral. Hangga’t maaari ay kilala mo ang kanyang mga kaibigan. 

Sa panahon nga-yon, hindi na uubra ang pasigaw-sigaw at mananakot. Ang tamang pakikiitungo sa anak at pagpapalala sa kanila ang mahalaga. 

Minsan ang takot natin ang nangunguna kaysa ang tamang pakikitungo sa ating mga anak. 

Kung nararamdaman ng anak ang pagmamahal ng kanilang magulang, tiyak naman na makikinig sila sa mga payo natin, kaya ito ang ipakita at ipadama mo sa iyong anak. 

Lagi mo rin siyang isama sa iyong mga panalangin. 

Dahil tunay na mabisa at maaasahan ito sa lahat ng pagkakataon.

DR. LOVE